Kung paano hinahagod ng patak
ng bagong-panganak na hamog
ang tuktok upang tuntunin ang dulo;
mariin, ninanamnam ang bawat
damping nag-iiwan ng bakas;
bago tuluyang maubos
pagdating sa ugat,
mamarkahan ko ang daraanan
ng mga halik na kasingnipis ng silahis
ng unang sikat ng araw
sa pagbuka ng langit.
Saka ako sasanib sa putik.
Makikiisa sa pinagmumulan, kaibuturan
ng mga lihim ng pamumulaklak, pagbunga,
pagkalanta. Doon ako magtatago.
Yayakap ang katawan ko, basang-basa,
sa bukal ng iyong pag-usbong.
Punong-puno ng pangako,
kumakayat sa pananatili. Naghihintay.
Hanggang sa muling sunduin ng bukang-liwayway.
Lalapat sa kalupkop, sasalubong sa umaga.
Hinog at buo, muli tayong magtatagpo.
Pagbitak ng araw, doon tayo magkikita.
Doon tayo magkikita.
Doon tayo magkikita.